Join the campaign (Learn More)

Bulgar Online : BBM-Sara sa Cavite

News & Interviews
6 December 2021

By Bong Revilla - @Anak ng Teteng | Bulgar Online

Tuwang-tuwa ang mga taga-Cavite nang mabalitaan nilang magsasagawa ng UniTeam caravan doon ang sinasabing susunod na Presidente at susunod na Bise-Presidente ng bansa na sina Bongbong Marcos at Sara Duterte.

Lalo ako, personal na tuwang-tuwa dahil napawi na ang aking pagkainip at pananaghili sa maraming bayan na kanilang pinupuntahan dahil marami na ang nagtatanong sa akin sa Lalawigan ng Cavite kung kailan nga sila bibisita.

Alam naman nating lahat kung gaano karami ang nagmamahal sa tambalang ito nina BBM at Sara na kahit panoorin sa mga telebisyon ay hindi magkamayaw ang mga tao at pinatototohanan ito ng iba’t ibang survey na naglalabasan.

Kitang-kita ang pagkasabik ng maraming Pilipino kay BBM na lalo pang nadagdagan nang sumama sa kanyang adhikain si Sara na ngayon ay pinakamalakas ding kandidato sa pagka-Bise-Presidente.

Ayon sa mga survey, kung bukas gaganapin ang eleksiyon ay maliwanag na panalo ang tambalang BBM-Sara dahil hanggang ngayon ay wala pa namang kandidato na pumangalawa man lamang ng malapit dahil karaniwan ay nasa malayong ikalawang puwesto ang sumusunod.

Alam n’yo ba na ang itong sina BBM at Sara ay sadyang napakalapit sa aking puso dahil pareho silang may napakahalagang kaugnayan sa aking pagkatao na buong giting kong ipinagmamalaki dahil bukod sa nagkataong nagsama sila ay pareho silang may magandang adhikain sa bansa.

Itong si BBM ay nakasama ko ng anim na taon sa Senado kung saan nakita ko kung gaano siya kahusay, disiplinado, propesyonal, may paninindigan, matalino at kinakitaan ng matibay at matatag na pamumuno sa komiteng kanyang pinangunahan.

Ang hindi pa alam ng marami nating kababayan na kaya Bong din ang aking pangalan ay dahil hinango ito ng aking Mommy kay Bongbong.

Si BBM na tinaguriang Tigre ng Norte ay siya ding tawag sa akin simula pagkabata pa dahil sa ito ang aking call sign sa Revilla group kaya madalas ay naririnig na tinatawag akong Tigre o Tiger ng aking staff, supporters at iba pang malapit sa akin.

Si Inday Sara naman ay tinaguriang Agila ng Davao, na hindi naman sinasadya, ngunit ito ang tawag sa akin bilang Agimat ng Agila sa aking teleserye sa GMA 7 na kasalukuyan ko nang ginagawa ang Book II at malapit nang ipalabas.

Pero sa seryosong aspeto ay napakataas talaga nang pagtingin, respeto at utang na loob ko kay Inday Sara dahil noong panahong lugmuk na lugmok ako dahil sa ginawang pagwasak sa akin ng dilawan ay isa siya sa unang nagbigay sa akin ng pagkakataon.

Nasa gitna ako nang pagbangon mula sa inimbentong kaso na isinampa sa akin na yumurak ng husto sa aking pangalan at pagkatao, at isa si Inday Sara sa iilan lamang na umakay, umagapay, sumama at nagbigay ng pagkakataon sa akin.

Hinding-hindi ko malilimutan sa buong buhay ko na noong panahon ng kampanya noong 2019 ay kompleto na sa labing-dalawa ang kanilang line-up sa pagka-Senador, ngunit tinanggap ako ni Inday Sara para maging lucky 13 at salamat sa lahat dahil muli akong nanalo.

Sampu ng aking pamilya ay damang-dama ang napakabuting puso ni Inday Sara para sa lahat; ang hindi niya natitinag na paninindigan basta’t alam niyang nasa tama at pagiging totoo para sa lahat ng ating mga kababayan.

Ang kagandahan pa sa team nina BBM at Sara, nangangampanya sila hindi para manira ng ibang kandidato at manggipit, sa halip ay tumatakbo sila para sa pagkakaisa, para makatulong at para maibangon ang bawat Pilipino mula sa pagkakasadlak natin sa pandemyang ito.

Dahil may likas ang mga Kabitenyo at Pilipino na kumilatis ng totoong ginto ang kalooban, naniniwala akong hindi tayo papa-tanso sa mga gimik ng iba at hindi na kailangang pang i-memorize na kay BBM-Sara sasama at magbibigay ng suporta sa darating na takdang panahon.

Hindi ordinaryong suporta ang ibibigay ng mga Kabitenyo kay BBM-Sara dahil sila ay totoong malapit sa lalawigan na hindi lamang basta makatutulong kung hindi matagal nang tumutulong, at hindi lang basta pangako ang kanilang dala kung hindi ay tunay na pagtingin at pagkalinga.

Sa dinami-rami ng mga tumatakbo na nanunuyo para sa boto ng mga Kabitenyo ay tanging ang Uniteam lang ang may sinserong pagpapahalaga sa Cavite at bilang halal na opisyal ay alam natin ang tunay na may malasakit.

Nasasabi ko ito dahil sa dinami-rami ng lugar ng buong Pilipinas ay sa Cavite mismo nabuo at ipinanganak ang UniTeam -- sa aming farm sa Silang na naging bahagi ng malaking kasaysayan na kung tutuusin ay puwede namang isagawa sa Norte sa Ilocos o South sa Davao ngunit Cavite ang kanilang pinili.

Ganyan ang pagtingin ng BBM-Sara sa Cavite kaya tiyak kong nakatanim sa puso ng UniTeam ang mga Kabitenyo, na ngayon pa lamang ay natitiyak kong damang-dama rin nila ang maalab na pagmamahal at suporta sa kanila.

Sa katunayan sa darating na Huwebes, Disyembre 9 ay iikot sila sa Cavite; alas-8:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga ay magsasagawa sila ng programa sa Nomo Parking lot sa Bacoor Rizal Hall; alas-9:30 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon ay magkakaroon ng Meet and Greet sa Rosario, General Trias at Kawit.

Bandang alas-4:30 ng hapon ay may LAKAS Meet and Greet sa Rizal Hall; alas-5:30 ng hapon dadalaw sa Aguinaldo Shrine; alas-6:00 ng hapon ay magsasalita sa Stage at alas-6:30 ng hapon magtatapos ang programa.

Sa UniTeam at BBM-Sara, kinabukasan ng Pilipinas ay tiyak na kay ganda! Dito na tayo sa siguradong panalo!

Anak Ng Teteng!