Brigada - Panukalang hybrid elections, dapat nang maaprubahan ngayong buwan para sa 2022 polls

News & Interviews
28 January 2021

By Brigada

Inihayag ng Commission On Elections na dapat ay maaprubahan na ngayong buwan ang panukalang batas na nagmamadato sa paggamit ng manual at automated elections, kung ganitong klase ng proseso ang gagamitin sa halalan sa 2022.

Sinabi ito ni Commissioner Marlon Casquejo sa deliberasyon ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kaugnay sa mga proposals para sa hybrid elections.

Ayon kay Casquejo, mahalaga ang bawat oras para sa kanila habang nasa gitna sila ng preparasyon para sa paggamit ng automated election system sa 2022.

Ipinunto ng commissioner na nasa ikalawang bahagi na sila ng kanilang procurement process.

Sa pagsusulong ng hybrid elections ay sinabi ng isa sa mga proponents ng mga panukala na si Samar Representative Edgard Mary Sarmiento na kwestyonable ang integridad ng mga PCOS machines.

Mababatid na nakalagay sa panukala ni Sarmiento na gagawin ang manual voting at accounting sa precinct level, habang automated naman ang transmission at canvassing sa national, local, at Bangsamoro Autonomous Region and Muslim Mindanao elections.