Brigada News : Election Officer ng COMELEC Naga, naniniwalang dapat nang amyendahan ang panuntunan hinggil sa substitution ng mga kandidato

News & Interviews
7 October 2021

By Brigada News

NAGA CITY—Naniniwala ang Election Officer ng COMELEC Naga na dapat nang amyendahan ang panuntunan tungkol sa substitution ng mga kandidato.

Ayon kasi kay Atty. Maico Julia Jr., ginagamit ng ilang partido ang substitution upang lituhin ang ibang katunggaling political party sa pamamagitan ng pagsusumiti ng Certificate Of Candidacy pero kalaunan ay aatras at hahali naman ang isa pang kandidato na mula sa parehong partido.

Dapat aniya maging totoo ang lahat ng mga kakandidato kung tatakbo ba o hindi sa araw palang ng kanilang paghahain ng COC.

Ayon naman kay Election Lawyer Atty. Romy Macalintal, pwedeng ideklarang nuisance candidate ang isang kandidatong naghain ng kaniyang COC kung mapapatunayang wala talagang intensyong tumakbo at inirereserba lamang ang kaniyang posisyon para sa hahalili sa kaniya.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code ang substitution ng kandidato ng isang political party ay pinahihintulutan kung ang naghain ay pumanaw, umatras o di kaya’y pinal nang nadiskuwalipika at dapat rin na manggaling sa iisang partido ang papalit.