BBM-Sara UniTeam dumiin ng suporta kay Mike Defensor sa QC

13 February 2022

SINIGURO ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang solidong suporta sa tumatakbong alkalde ng Quezon City na si Mike Defensor at running-mate niyang si Winnie Castelo sa darating na halalan sa Mayo 2022.

Sa isang pahayag, sinabi ngayon ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na walang ibang kandidato ang UniTeam sa Lungsod Quezon kundi ang Team Malayang QC na pinangunahan ng mayoralty bet na si Partylist Rep. Mike Defensor.

Sinupalpal din ni Rodriguez ang anomang pagtatangka ng kalaban ng Team Defensor na linlangin ang botante sa pamamagitan ng ‘fake news’ na bitbit din umano sila ng tambalang Bongbong-Sara.

“Hindi pahihintulutan ng UniTeam ang pagtataksil sa ilalim ng alyansa nito lalo na ang mga mapagpanggap na suportang nakakasira lamang sa panawagan ni BBM at Sara na pag-isahin ang bansa upang maiahon ang mamamayan nito sa krisis na dulot ng pandemya,” pahayag ni Rodriguez.

Sa rally na gaganapin bukas, Pebrero 14, sa Amoranto Sports Complex sa QC ay magsasanib pwersa ang UniTeam at Team Malayang Lungsod Quezon upang ihayag ni BBM at senatoriables sa ilalim ng kanilang alyansa ang plataporma kung paano maihanda ang maunlad na bukas na nararapat lamang sa nagkakaisang mamamayan.

“Sa araw ng mga puso ay tanging ang kulay pula na may luntian ang mamamayani sa puso ng mga mamamayan ng Lungsod Quezon hanggang maihatid sa tagumpay sa Mayo 9 ang tambalang Bongbong at Sara, sampu ng mga senador nito at lokal na kandidatong nakapaloob sa Team Defensor,” pahayag pa ng tagapagsalita ni BBM.

“Naniniwala si Bongbong Marcos na kaisa sina Defensor at Castelo sa panawagan ng UniTeam na mapagkaisang pamumuno at magiging katuwang sila sa muling pagbangon ng bansa mula sa pandemya,” dagdag ni Rodriguez.

Nagpasalamat naman si Defensor sa suporta na natanggap mula sa UniTeam at siniguro na babalikan nila ito ng serbisyo publiko para sa kanilang mga kababayan sa Lingsod Quezon.

“Nakita ni BBM ang aming paninindigan (para sa pagkakaisa at pagbabago), para sa kanya ito rin yung kanyang naging prinsipyo na manindigan kami para sa aming lungsod at para sa ating  mahal na Inang-bayan,” ani Defensor.

Matatandaan na nito lamang Disyembre ng nakaraang taon nang unang inilunsad ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang caravan sa Quezon City ay dinumog ito ng libo-libong taga-suporta.

Dahil sa kapal ng tao, ang dapat sana ay mabilis lamang na caravan ay inabot ng mahigit limang oras simula sa Commonwealth Ave., sa harapan ng tanggapan ng Commission on Audit hanggang sa Welcome Rotonda sa boundary ng Quezon city at Maynila.

Samantala, sa pinakahuling survey ng The Issues and Advocacy Center na isinagawa sa 1, 200 respondents simula Enero 10 hanggang 16 ay naungusan ni Defensor ang kanyang kalaban matapos siyang makakuha ng 53 porsyentong voters’ preference kumpara sa 39 porsyento lamang ng kanyang katunggali

Sa parehong survey ay sinasabi ring 70 porsiyento ang pagkiling ng mga botante sa Quezon City sa mga lokal na kandidatong iendorso nina Bongbong Marcos at Sara Duterte dahil halos kaparehong porsiyento rin ang voters’ preference para sa kanilang dalawa.

(30)