Bandera : Ai Ai delas Alas pormal na nagpakita ng suporta sa tambalang Marcos-Duterte

2 April 2022

By Therese Arceo Bandera | Bandera

BINASAG na ni Ai Ai delas Alas ang kanyang katahimikan at pormal nang nagpahayag ng pagsuporta sa kanyang napiling kandidato para sa darating na national elections ngayong May 9, 2022.

Sa kanyang short video ay ibinahagi ng Kapuso comedienne ang kanyang suporta kina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara Duterte-Carpio.

Ang naturang announcement ni Ai Ai ay naganap sa idinaos na Miting De Avance ng UniTeam para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) nitong Biyernes ng gabi, April 1, 2022.

Dumalo naman via zoom ang ibang OFWs samantalang ang iba ay present physically sa isang hotel sa Pasay City.

Saad ni Ai Ai, “Binabati ko po ang lahat ng OFW sa lahat ng sulok ng mundo na ngayon ay nanonood at buong pusong sumusuporta sa tambalang UniTeam BBM at Sara.

“Sana kayo ay nasa mabuting kalagayan, kung saan man po kayo naroroon na nag-e-enjoy sa inyong pagtitipon at sa ating watch parties.

Aniya, tulad raw ng ating mga modernong mga bayani, siya rin saw ay may pusong OFW.

Pagpapatuloy ni Ai Ai, “Ako po ngayon ay naimbitahan upang magbigay po sa inyo ng munting mensahe dahil bukod po sa ako ay tagasuporta ng UniTeam, ako ton po ay may pusong OFW.

“Paano ko naman ‘yan nasabi? Dahil po tuwing mag-a-abroad ako, magku-concert sa ating mga kapwa Pilipino, nakikita ko po talaga.

“Naiisip ko, ‘Ako nga, e, nalulungkot ako, e, mga three weeks o isang buwan akong nawawalay sa pamilya ko, paano pa kaya ang mga OFW natin na dalawa hanggang limang taon silang nawawalay sa kanilang pamilya?’”

Sey pa ni Ai Ai, alam raw niya ang pakiramdam ng kapwa Pilipino na nahihiwalay sa kanilang mga pamilya.

“Kaya ako po, alam ko po ang inyong pakiramdam kung gaano ba kalungkot na mawalay sa ating pamilya para mabigyan lang sila ng magandang kinabukasan.”

Paalala pa ni Ai Ai, kahit na malayo ang mga ito sa kanilang pamilya, nawa’y huwag nilang kalimutan na dapat tayo ay magkaisa.

“Kaya po kung tayo man ay malayo sa ating pamilya, at tayo man ay nasa ibang bansa at kung saan mang sulok ng mundo, sana ay huwag po nating kalimutan ang mensahe na tayo ay magkaisa.

“Tayo ay Pilipino, taas-noo kahit kanino. Maraming-maraming salamat po. Ito po si Ai Ai delas Alas para sa UniTeam.”

Matatandaang noong nakaraang buwan ay pinabulaanan ng Comedy Queen ang isang post kung saan sinabi na isa siya sa mga artistang sumusuporta sa isa pang presidential candidate na si Vice President Leni Robredo.

“Utang na loob NANAHIMIK AKO wag nyo akong masali sali sa mga ganito. Tahimik buhay ko. Lahat na lang. Huy!!!!

“Tanging ina (movie ng Comedy Queen) ko pa picture yan. Tanging ina ka kung sino ka man na gumagawa ng mga ganitong ka cheapan. Pls hindi po ako VP Leni supporter,” paglilinaw ng Kapuso comedienne sa kanyang Instagram.