Balitambayan : NEDA chief noon ni PNoy na si Balisacan, kukunin ni Marcos

By Balitambayan

Inihayag ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na itatalaga niyang pinuno ng National Economic Development Authority (NEDA) si Arsenio Balisacan.

Ang anunsiyo ay ginawa ni Marcos nitong Lunes sa press conference sa kaniyang headquarters sa Mandaluyong City.

Si Balisacan ay nagsilbing NEDA chief noon ng namayapang si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Una rito, inihayag ni Cavite Representative Jesus Crispin "Boying" Remulla na tinanggap niya ang alok na pamunuan ang Department of Justice (DOJ) sa administrasyon ni Marcos.

"I didn't apply for the job. Pero ang talagang gusto niyang mangyari, sabi niya nga, ‘We cannot afford to fail. We have to do a good job.’ He has no other intention but to do the best job possible for the people. 'Yan ang sinasabi namin talaga na very rare chance given by the people to serve so the opportunity is there to do it and do it the best way possible," anang kongresista. —FRJ, GMA News