Balitambayan : Bongbong, nanguna sa presidential survey ng OCTA; Sara, una rin sa VP race

28 February 2022

By Balitambayan

Nanguna si presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa survey na isinagawa ng OCTA Research's Tugon ng Masa para sa presidential race. Ang katambal naman niyang si Sara Duterte ang nanguna sa survey para sa Vice Presidential derby sa Eleksyon 2022.

Sa tweet nitong Lunes, ipinakita ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakakuha ng 55% na puntos sa presidential survey si Marcos.

Ginawa ang survey mula February 12 hanggang 17, ilang araw matapos na magsimula ang opisyal na kampanya ng mga kandidato sa national position.

Mayroon umanong 1,200 katao ang tinanong sa survey ng, "If the election will be held today, who will you likely vote for as president?"

Nakakuha si Marcos ng 46% na puntos sa Metro Manila, 56% sa Balance Luzon, 47% sa Visayas, at 65% sa Mindanao.

Sumunod kay Marcos si Vice President Leni Robredo (15%), Manila Mayor Isko Moreno (11%), Senator Manny Pacquiao (10%), at Senator Panfilo Lacson (3%).

Mayroong 3% margin of error ang naturang survey, ayon kay David.

VP Race

Sa survey para sa vice presidential race, nanguna si Davao City Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 43% preference votes.

Sa bawat rehiyon, nakakuha si Duterte ng 40% sa National Capital Region, 24% sa Balance Luzon, 43% sa Visayas, at 82% sa Mindanao.

Sumunod kay Duterte si Senate President Vicente Sotto III (33%), Senator Francis Pangilinan (10%), Dr. Willie Ong (7%), House Deputy Speaker Lito Atienza (1%), at Carlos Serapio (0.1%).

Senatorial Race

Sa survey para sa senatorial race, nanguna si Antique Representative Loren Legarda na may 66% rating.

Sumunod sa kaniya sina broadcaster Raffy Tulfo (63%), Taguig City Representative Alan Peter Cayetano (61%), re-electionist Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri (60%), Sorsogon Governor Francis Escudero (59%), at dating Public Works secretary Mark Villar (56%).

Pasok din sa tinatawag na "magic 12" sina Robin Padilla (43%), re-electionist Senator Sherwin Gatchalian at dating Vice President Jejomar Binay na may 39%, re-electionist Senator Risa Hontiveros (38%), at ang magkapatid na sina dating senator Jinggoy Estrada (37%), at JV Ejercito (35%).

Sumunod sa top 12 sina reelectionist Senator Joel Villanueva (33%), dating Quezon City mayor Herbert Bautista (31%), dating Information and Communications secretary Gringo Honasan (29%), reelectionist Senator Richard Gordon (25%), dating senator Antonio Trillanes IV (21%), at dating PNP chief Guillermo Eleazar (20%). — FRJ, GMA News