Balita Online : Pasig VM Iyo Bernardo, suportado si Bongbong Marcos

22 February 2022

By Nicole Therise Marcelo | Balita Online

Suportado ni Pasig City Vice Mayor Iyo Caruncho Bernardo si presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang Facebook post nitong Lunes, Pebrero 21, ibinahagi niya ang kanilang larawan ni Marcos Jr.

“Sama-sama tayong babangon muli, Pasig!” ani Bernardo.

“Nakasama ko ang UNITEAM at ang pambato sa pagka Pangulo, Sen. Ferdinand “Bong-bong” Marcos Jr. God bless Lungsod ng Pasig. Panahon na ng tunay na pagkakaisa,” dagdag pa ng vice mayor.

Makikita rin sa naturang post ang larawan ni Ferdinand Marcos Sr. kasama ang dating Mayor ng Pasig na si Emiliano Caruncho na lolo ni Bernardo.

Si Bernardo ay tumatakbong alkalde sa darating na May 9 elections at katunggali niya si Pasig City Mayor Vico Sotto.

Noong Oktubre 7, 2021, naghain ng certificate of candidacy si Bernardo kasama ang kanyang running mate na si Councilor Atty. Christian Sia na tumatakbo naman bilang vice mayor.