ABS-CBN News : MMDA chair Abalos nag-resign para tutukan ang Marcos campaign

7 February 2022

By ABS-CBN News

MAYNILA — Maagang binulabog ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos ang lahat nitong Lunes.

"Ladies and gentlemen I would like to announce that I am resigning as MMDA chairman... Sana maski papaano ay nagampanan ko po ang trabaho ko," ani Abalos.

Effective immediately ang resignation ni Abalos, sakto sa bisperas ng official campaign period para sa halalan na magsisimula sa Martes.

Tututukan ni Abalos ang kampanya ni presidential frontrunner Bongbong Marcos bilang national campaign manager nito.

"Kaibigan ko po si BBM. I was his campaign manager in 2016. Ako po ay talagang tumutulong sa kanyang kampanya. It's just that hindi ko puwedeng iwanan ang kalakhang Maynila na may problema lalo na nung may omicron, ang taas ng kaso noon, kaya nga ito'y ipinagliban ko muna hanggang ito nga, alert level 2 na at pababa pa ang kaso," paliwanag ni Abalos.

Sabi ni Abalos noong nakaraang Biyernes pa ay nagpaalam na siya sa Palasyo sabay abot ng kanyang resignation letter.

Officers in charge ng MMDA ngayon sina general manager Don Artes at si traffic engineering chief Noemie Recio.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News