ABS-CBN News : Marcos pinangalanan ang napupusuang DPWH chief, special assistant

By Katrina Domingo | ABS-CBN News

(UPDATE) Inanunsiyo ngayong Huwebes ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang ilan pang appointment sa kaniyang Gabinete.

Isa na rito si Manuel "Manny" Bonoan, ang chief executive officer ng San Miguel Corp. Tollways, bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

"He has spent almost his entire professional life in the DPWH. I know him very well so I think he will do.. I know he will do a good job," ani Marcos.

Inihayag naman ni Bonoan na tinanggap niya ang alok ni Marcos.

"Yes, absolutely. I cannot refuse the offer of the President, you know, I also have to contribute to, 'yong pangangailangan ng ating bansa, with him," ani Bonoan.

Unang itinalaga sa DPWH si Bonoan noong 1998 bilang undersecretary for Visayas and Mindanao operations. Naglingkod din siya bilang acting secretary noong 2007.

Inanunsiyo rin ni Marcos ang pagkakapili sa matalik na kaibigan at tumulong sa kampanyang si dating Rep. Anton Lagdameo bilang Special Assistant to the President (SAP).

Bilang SAP, si Lagdameo ang mamamahala ng schedule at mga aktibidad ng pangulo, Presidential Management Staff, at presidential appointments processing.

"Because it's very sensitive and very important in the sense that we've known each other since he was a child. Hindi na ako child noon pero since he was young. So he knows me very well. He's been with us, working, with me for the past 10 years," ani Marcos.

Inihayag ni Marcos na may napupusuan na rin siyang mamuno ng Department of Information and Communications Technology, at kasalukuyan nang nilalatag ang plano para sa malawakang digitalization sa bansa.

"I already have a person there but we are still trying to put together the plan," aniya.

Kinukunsidera ring maupo sa Marcos administration si Rep. Rodante Marcoleta at political scientist Clarita Carlos pero tuloy pa ang pag-uusap kung saan sila makatutulong.

Iginiit naman ni Marcos na tutuparin ang mga pangakong binitawan noong kampanya.

May nakikita na aniya siyang hakbang para pansamantalang hindi magtaas sa presyo ng bigas.

"Kausap ko na 'yong ibang trader. Baka puwede nating i-hold ng ilang buwan 'yung presyo ngayon, I think we'll be able to do it as a first step, but in the long term, we really have to fix our value chain. That's the only way," ani Marcos.

Balak din ni Marcos na ibalik sa sektor ng agrikultura ang mga ahensiya at institusyon na dating laan para sa sektor ngunit naiba ang direksiyon, tulad ng Landbank at National Food Authority.

Kahit hindi kontrolado ng Pilipinas ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon kay Marcos ay maaaring balikan ang remedyong ginawa sa panahon ng kaniyang ama para maibsan ang epekto sa mga motorista at industriya.

"When the 1973 oil crisis hit, what we tried to do was to make more beneficial arrangements, like I remember I was sent on a mission by my father together with then Secretary Velasco of Energy, and we discussed with Saudi Arabia and all the other oil-producing countries that we buy from, to lengthen the payback period from I think it was 90 days to 180 days and we were able to manage that," paliwanag niya.

Titingnan din umano ni Marcos ang posibleng amendment sa Electricity Power Industry Reform Act at nagpaliwanag din kung bakit bukas siya sa posibleng paggamit ng Bataan Nuclear Power Plant na itinayo noong panahon ng kaniyang ama.

"Nuclear remains to be the cheapest and cleanest ways to producer energy," aniya.

Pagdating sa foreign policy, nanindigan si Marcos na patuloy na gagamit ng bilateral channels sa pakikipag-usap sa China kaugnay sa usapin ng West Philippine Sea.

Mahalaga rin aniya ang papel ng Association of Southeast Asian Nations at ang arbitral award na nakuha ng Pilipinas mula sa Permanent Court of Arbitration.

Sinabi ni Marcos na may inisyal na silang pag-uusap ni Chinese President Xi Jinping kaugnay sa alitan sa West Philippine Sea.

Pagdating naman sa relasyon ng Pilipinas sa Amerika, sabi ni Marcos: "The role that the United States is going to play, well, we define that role very simply - it comes from our traditional relationship with the United States, which has been very strong and very advantageous to both of us."

Bukas din umano si Marcos na bigyan ng posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang administrasyon kung interesado ito.

— Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News