ABS-CBN News : Disqualification case vs. Bongbong Marcos, ibinasura ng Comelec 1st division

10 February 2022

By ABS-CBN News

Ibinasura ng Comelec 1st division ang tatlong consolidated disqualification petitions laban kay presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. 

Kinumpirma ito ni Commissioner Aimee Ferolino sa ABS-CBN News nitong Huwebes. 

Kasama ni Ferolino na bumoto sa resolusyon si Comelec Commissioner Marlon Casquejo. 

Nag-ugat ang mga petisyon sa 1995 tax evasion conviction kontra sa dating senador, na inihain ng ilang martial law survivors gaya ni Bonifacio Ilagan, Akbayan party-list, at si Abubakar Mangelen. 

Nakasentro ang petisyon sa pagkabigo ni Marcos na magbayad ng income tax at mag-file ng tax returns habang nasa public office mula 1982 hanggang 1985. 

Iginiit ni Ferolino sa 40-page resolution na walang perpetual disqualification in holding public office ang conviction laban kay Marcos kaugnay sa hindi paghain ng income tax returns noong 1982-1985. 

Na-promulgate ang resolusyon bago mag-alas-5 ng hapon ng Huwebes. 

Giit ng mga petitioner na naiwasan ni Marcos, na anak ni dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ang lifetime election ban. 

Na-acquit ng Court of Appeals si Marcos sa hindi pagbabayad ng buwis noong 1997, pero guilty ang verdict sa paglabag na mag-file ng tax returns.