ABS-CBN News : BBM-Sara tandem, panalo sa overseas voting sa Europa

By Rose Eclarinal | ABS-CBN News

Matapos mailabas ang resulta ng overseas voting, alamin natin kung paano ba bomoto ang mga Pinoy sa Europa sa Top 3 na vote-rich countries?

PARIS, FRANCE

Hanggang sa huling araw at minuto ng overseas voting noong May 9. May ilang overseas Pinoy voters ang humabol pa sa pagboto sa Philippine Embassy sa Paris, France.

“Ako yung full charge so parang nakalimutan ko so bigla akong tumawag election pala so ngayon lang ako nakahabol. Last minute!” sabi ni Susan Tran, botante.

“Trabaho kasi eh sinaglitan ko na lang, walang oras pero kailangan ko talaga magboto,” sabi ni Erwin Alperito, botante.

Ayon sa unofficial result ng overseas voting nanguna si Bongbong Marcos sa pagka-presidente kung saan nakakuha sya ng 2,242 votes na sinundan ni Leni Robredo na may 897 votes.

Sa pagka-bise presidente nanguna si Sara Duterte na nakakuha ng 2,303 votes sinundan ni Kiko Pangilinan. May 5,300 registered voters ang France kasama na ang Monaco at may 3, 300 ang bumoto.

Maliit lang ang bilang ng overseas voters sa France kumpara sa Top 3 vote-rich countries sa Europa na Italy, UK at Spain kung saan panalo ang BBM-Sara tandem.

Sa Italy at Spain, malaki ang ungos nina Marcos-Duterte kina Robredo-Pangilinan. Sa Italy, halos kalahati lang ang boto ni Robredo at Pangilinan.

Sa Spain, landslide rin ang panalo ng Uniteam.

Nanguna rin sina Marcos at Duterte sa bilangan sa UK at Ireland.

Nagwagi rin ang Marcos-Duterte tandem sa Germany, Belgium, The Netherlands, Norway, Denmark, Greece, Cyprus at North Macedonia.
(Kasama ang ulat ni Cory de Jesus sa Paris, France)

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.