Join the campaign (Learn More)

Abante Tonite : Maraming trabaho sa pagluluwag ng NCR

News & Interviews
7 November 2021

By Abante Tonite

UMAASA si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na muling manunumbalik ang sigla ng ekonomiya at maglilikha ng maraming trabaho ang paglalagay ng pamahalaan sa mas maluwag na alert level 2 status sa Metro Manila.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na ito ang nauna na rin nilang panawagan na buksan na ang mga negosyo para makabawi at muling sumigla ang ekonomiya ng bansa.

“Nagpapasalamat po tayo sa pamahalaan sa mas maluwag na alert level status, dahil nakasisiguro tayo na mas marami itong make-create na trabaho at muli nang makakabawi ang ating ekonomiya,” pahayag ni Marcos.

Matatandaang pumalo na sa 8.9 percent and unemployment rate sa bansa nitong Setyembre 2021, at ito ang itinuturing na pinakamataas ngayong taon.

“Umaasa tayo na marami pang negosyo ang magbubukas dahil sa maluwag na alert status at mas marami ang lumalabas na tao para tangkilikin ang mga negosyo,” dagdag ni Marcos.

Kasabay nito, nanawagan naman si Marcos sa publiko na tuloy-tuloy pa rin ang pagsunod sa mga health protocols sa kabila nang pagluluwag ng alert status sa bansa.

Ayon sa kanya, hindi rin dapat magpakampante ang publiko kahit na patuloy na bumababa ang mga bilang ng tinatamaan ng Covid-19.

Nanawagan din si Marcos na patuloy pang palakasin ng pamahalaan ang pagpapabakuna sa publiko dahil ito ang pinakamabisang sandata para mapuksa ang virus.