Abante tnt : Mga pro-Marcos rumesbak! #LeniDuwag trending

23 January 2022

By MJD | Abante tnt

Panahon naman ng mga taga-suporta ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na mag-ingay sa Twitter matapos ang ulat na umatras umano si Bise Presidente Leni Robredo sa live presidential interview na isasagawa ng radio station na DZRH.

Ang trend na #LeniDuwag ay dumagundong sa Twitter kasunod ng kumalat na post ni Antonio Contreras, na manunulat ng Manila Times.

Batay sa post ni Contreras, ang panayam ay magkakaroon ng apat na panelist, na kasama niya, at kabilang sina Gerry Baja, Deo Macalma at Angelo Palmones, mga taga-DZRH.

Ibinigay rin ni Contreras ang schedule ng mga presidential aspirant, kung saan makikita ang schedule nina Marcos, Ka Leody de Guzman, Senador Ping Lacson at Senador Manny Pacquiao.

Aniya, wala pang kumpirmasyon sa panayam si Manila Mayor Isko Moreno habang umatras umano si Robredo.

Dito na nag-ingay ang mga taga-suporta ni Marcos.

Matatandaang sa presidential interview ni Jessica Soho na ipinalabas noong Sabado ay nag-trend ang #MarcosDuwag dahil hindi rito dumalo si Marcos.