Abante tnt : Kho: 17 sa 21 Masbate mayors suporta sa Marcos Jr.-Sara tandem

6 March 2022

By Billy Begas | Abante tnt

Sumusuporta umano kina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at vice presidential aspirant Sara Duterte ang 17 sa 21 alkalde sa Masbate.

Bagamat bahagi ng Bicol region, sinabi ni reelectionist Masbate Gov. Antonio Kho na si Marcos at Duterte ang kanilang susuportahan sa paparating na eleksyon.

“With this political machineries that we have, we are now in full-battle gear and ready to work to give our full support,” sabi ni Kho.

Ayon kay Kho, kinausap nito si Marcos na huwag nang pumunta sa Masbate kung hindi kakayanin ng kanyang oras dahil tiyak na maipapanalo nila ito.

“Sinabi ko kay BBM kung wala ng oras ‘wag nang pumunta ng Masbate dahil tatlong presidentiable na ang naipanalo natin dito na hindi na pumunta, Ramos, Estrada and GMA. We made history when GMA won because his rival is Roco na taga Region 5,” dagdag pa ni Kho.

Ang paparating na halalan ay magiging isa rin umanong kasaysayan dahil ang kalaban ni Marcos na si Vice President Leni Robredo ay taga-Bicol region.

“BBM kasi ngayon lang na-realize ng mga tao, in my own personal analysis, na ang ginawa ng ama ni Bongbong Marcos ngayon lang na-realize, tama pala ang ginagawa,” sabi pa ng gobernador.

Kumpiyansa rin si Kho na ipagpapatuloy nina Marcos at Duterte ang magandang nasimulan ng kani-kanilang ama.

Ang Masbate ay mayroong tatlong distrito, 20 munisipyo at isang siyudad. Mayroon itong halos 600,000 botante.