Abante tnt : Iloilo-Guimaras-Negros Bridge hindi drawing kay Marcos Jr.

27 February 2022

By Billy Begas | Abante tnt

Nangako si presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. na itutuloy ang planong konstruksyon ng tulay na mag-uugnay sa Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental.

Ayon kay Marcos, ang panukalang tulay ang magiging pinakamahabang tulay sa Western Visayas na magpaparami sa economic activity sa lugar.

May haba itong 32 kilometro at nahahati sa dalawang bahagi—ang 13 kilometrong Panay-Guimaras link, at ang Guimaras-Negros na may habang 19.47 kilometro.

“Kailangan po nating ipagpatuloy ang sinimulan ni Pangulong Duterte na ‘Build, Build, Build’ program sa imprastraktura,” sabi ni Marcos.

Ang proyekto ay unang ipinanukala noong termino ng ama ni Marcos na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ayon kay Aklan gubernatorial candidate William Lachica, makikita ang kaibahan ng pagtanggap ngayon kay Marcos kumpara noong tumakbo ito sa pagkabise presidente noong 2016 elections.

“Maligaya kami at narinig naming kasama ang probinsya ng Panay sa kanyang mga plano kahit alam niyang hindi siya gaano nakakuha ng maraming boto dito noong tumakbo siya bilang ikalawang-pangulo. Nagpapakita lang ito kung gaano kaayos ang kaniyang magiging liderato kung siya ay mahahalal na pangulo,” sabi ni Lachica.