Abante tnt : Gov. Mandanas suporta kina Marcos Jr., Sara Duterte

23 February 2022

By Billy Begas | Abante tnt

Nagpahayag ng pagsuporta si Batangas Gov. Hermilando Mandanas kina presidential candidate Ferdinand Marcos Jr., at vice presidential aspirant Sara Duterte.

“Si Bongbong Marcos, personally siya ay aking ineendorso at siya ang aking presidente, at si Inday Sara ang aking vice president,” sabi ni Mandanas na nanguna sa pagsalubong kay Duterte noong Martes.

Ayon kay Mandanas, kinikilala ng mga Batangueño si Duterte na isa sa kanila dahil ang mister nito na si Atty. Mans Carpio ay galing sa bayan ng Ibaan.

“Full support and lalawigan ng Batangas kay Mayor Sara, dahil alam naman niyo basta’t taga Batangas at natulong at maganda ang talagang ginagawa ay full support ang mga taga Batangas na magigiting,” sabi ni Mandanas, stalwart of PDP-Laban.

Naniniwala umano ang gubernador sa panawagan nina Marcos at Duterte na magkaisa para sa bansa.

“Nakita ko na sila ay isinusulong nila ang kailangan ng ating bansa ngayon, pagkakaisa, pagtutulungan, hindi yung laging alitan, laging ang hinahanap ay kung ano ang mali, ang kailangan ngayon ay magsama-sama,” dagdag pa ni Mandanas.

Si Duterte ay nasa Batangas bilang bahagi ng kanyang Mahalin Natin ang Pilipinas Ride. (Billy Begas)