Join the campaign (Learn More)

Abante : Pagpapalakas ng agrikultura isusulong ni Marcos

News & Interviews
14 November 2021

By Abante News | Abante

Inihayag ni Presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na nais niyang isulong ang isang ‘buohang paglapat ng sistema’ na magpapalakas sa sektor ng agrikultura ng bansa.

Sa kanyang panayam sa FMR Tacloban, sinabi ni Marcos na kanyang nakikita ang pangangailang mas mapaunlad ang sistema ng agrikultura upang mas lalong makapagbigay ang gobyerno ng magandang buhay sa mga magsasaka na lubusang naapektuhan ng pandemiya.

Ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang kanyang plano ay mamumuhunan ng malaki sa pananaliksik at paggawa ng mga programang tiyak na makakatulong sa mga magsasaka hanggang makatapos sila sa pag-aani.

Dagdag pa ni Marcos, ang bawat programa ay makakatulong sa bawat isa na siyang magreresulta sa masagana at masiglang sektor ng agrikultura.

“Malaking sistema ang agrikultura at kailangan natin buuin ulit yan para maging mas maganda ang buhay ng ating mga farmer. Ang tulong na mabibigay ng gobyerno ay magbuo ng sistema gaya ng meron tayo noon,” ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.

Inalala ni Marcos ang pagtatag ng International Rice Research Institute (IRRI) noong 1960s, at ayon sa kanya, pananaliksik o research ang unang hakbang sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura kung saan ang mga researchers ay hahanap ng iba’t ibang uri ng pananim na makakaya ang pabago-bagong panahon at iba pang paraan upang matulungan ang mga magsasaka na kabilang sa sektor na pinaka-apektado kapag panahon ng kalamidad.

Para kay Marcos, ang susunod na hakbang na dapat gawin ng pamahalaan ay ang paghahanda ng mga loan packages at tulong teknikal sa mga magsasaka.

“Yung binhi, fertilizer, pesticide, lahat ‘yan ay dapat makabili ang gobyerno ng marami para makamura tapos kasama ‘yun sa production loan. Hindi naman dapat kumita ang gobyerno kaya maibibigay nila ng mas mura ,” sabi niya.

Noong 1973, lumikha ang dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ng isang emergency program na kanyang tinawag na “Masagana 99” upang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga technology packages na may matataas na uri ng palay at murang mga pesticides at pataba. Ang programang ito ay naglayon na maresolba ang problema sa kakulangan ng bigas.

Ang paggamit ng maayos na sistema para kay Marcos ay magreresulta sa mas malaking kita ng mga magsasaka na maglilikha din ng matatag na kabuhayan sa farming sector.

Isinusulong ni Marcos na mas palakasin pa ang sektor ng agrikultura matapos makita ang kahinaan nito ng tamaan ng pandemiya ang bansa.

Ayon sa datos na nilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang agriculture production para sa third quarter ng 2021 ay bumaba sa 2.6 percent.

“Balikan natin ang agrikultura, patibayin natin ulit kasi ang katotohanan diyan napag-iwanan, napabayaan ang agrikultura sa Pilipinas kaya’t kailangan balikan,” sabi ni Marcos.