Abante News : Pambabatikos sobra na! Cristy awang-awa kay Toni

9 February 2022

By Abante News

Sobra na umano ang natatanggap na pambabatikos ni Toni Gonzaga matapos nitong magpakita ng suporta sa presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Cristy Fermin, naawa na umano siya sa aktres at host dahil sa masasakit na nasasabi ng mga netizen.

Ang tindi umano ng galit ngayon ng mga ito at may isa pang nagsabi na sinanla na ng aktres ang kaluluwa sa demonyo.

“Naaawa lang ako kay Toni Gonzaga. Naaawa ako, punung-puno siya ngayon ng bashing, ‘di ba? Sobra. May nagsabi pa na, ‘Sininanla mo na sa demonyo ang kaluluwa mo. Puro biblical phrases pa naman ang ipino-post mo, pero sumasama ka sa magnanakaw’. ‘Yung mga ganu’n. Ang tindi ‘no?” pahayag ni Cristy sa “Cristy Ferminute.”

Mas malala umano kung ikukumpara ang ang bashing na nakuha ni Toni kaysa sa mga natanggap ng ibang artista na sumusuporta ng ibang kandidato.

“Mayroon din namang nangba-bash sa mga ka-pink e, kina Rita Avila, kina Agot Isidro at iba pa. Meron din naman pero mas matindi po kay Toni Gonzaga dahit mas matindi rin po ang pagbira at kontrobersiya sa buhay ng kanyang ineendorso.” dagdag pa nito.

Aniya, matagal na umanong sinusuportahan ng pamilya ng asawa ni Toni na si Paul Soriano ang mga Marcos.

“Saka pag-aralan po nating mabuti ang kasaysayan ng pamilya nina Direk Paul na kanunu-nunuan pa po ay mga maka-Marcos na. Alam niyo po, kapag ang pamilya natin talaga ay Marcos-Lopez na panahon pa, hindi na po natin mababali ‘yun. ‘Yun na yun.”

“Kaya bakit kailangan na si Toni Gonzaga ay sabihan ng masasakit na salita, sobra naman,” saad pa nito.

(Sherrylou Nemis)