Abante News : Internet paganahin sa mga liblib na lugar – BBM

By Abante News

Pangunahing misyon na ibinigay ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. kay incoming Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na magkaroon ng internet sa mga liblib na lugar sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni Uy na inatasan siya ni Marcos na paigtingin ang digital infrastructure sa bansa para makarating sa malalayong lugar ang internet service.

“Very clear iyong marching orders ni Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa ICT. Natatandaan ninyo po na noong kampanya ay iyong digital infrastructure is one of the flagship projects na gustong mangyari ni President BBM. So in-instruct po kami na tingnan kung paano natin maiaabot ang mga digital connectivity sa mga liblib na lugar upang maipasok at mabigyan ng access ang mga kababayan natin lalo na sa mga lugar na hindi inaabot ngayon ng internet,” sabi ni Uy.

Marami aniyang mga isla sa bansa ang wala pang internet kaya ito ang bibigyang prayoridad niya pag-upo sa Hulyo.

Kasama rin aniya sa prayoridad ng DICT sa ilalim ng administrasyon ni Marcos ang paggamit ng online access sa mga serbisyo para maiwasan ang red tape at mahabang pila sa mga tanggapan ng gobyerno.

“And second is to address e-governance. Ito po ay upang mapasimple ang mga transaksiyon ng ating mga mamamayan sa mga access to government services. So we are looking at streamlining, reducing red tape and minimizing iyong mga pila-pila po sa mga iba-ibang opisina ng gobyerno, mag-a-absent sa trabaho upang makakuha lang ng certification, ng clearance or gagawa ng mga application sa government offices,” wika ni Yu. (Aileen Taliping)