Abante News : Boses ng taumbayan

By Abante News

Naging mapayapa at maayos ang katatapos na eleksiyon sa bansa at naihalal ang dalawang pinaka-mataas na mga opisyal na magpapatakbo sa bansa sa susunod na anim na taon.

Nagsalita na ang taongbayan at bagamat hindi pa opisyal na ipinahayag ng Commission on Elections ang panalo nina dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, lumabas sa partia tally na milya -milya ang layo ng bilang ng mga boto ng dalawa sa kanilang mga nakalaban nitong nakalipas na Mayo a nuwebe.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas ay ngayon lamang naitala ang pinaka-maraming botante na nagtungo sa polling precincts para bumoto at ibinigay ang kanilang boto sa kanilang napiling mga kandidato.

Hindi maikakaila mula mga numerong nakuha nina dating Senador Marcos at Mayor Sara na sila ang ibinoto ng mayorya ng mga Pilipino dahil sa mahigit tig-31 milyong botong nakuha ng bagong presidente at bise-presidente na nagbigay sa kanila ng landslide victory.

Bagamat nagdududa ang ilang kritiko sa mabilis na paglabas ng resulta ng mga boto, kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na malinis at walang naganap na dayaan sa katatapos na eleksiyon.
Kaya naman po mabilis ang paglabas ng resulta ay dahil automated na po ang eleksiyon sa bansa at marami ang bagong vote counting machines na ginamit ngayong eleksiyon kumpara noong nakalipas na 2016 elections.

Mismong si Pangulong Duterte ang nagbigay ng katiyakan bago ang itinakdang halalan na magiging malinis ang eleksiyon at hindi niya papayagang madungisan ito at magkaroon ng dayaan.

Binabati po namin ang lahat ng nakikahok sa katatapos na halalan at nakipagtulungan sa gobyerno, partikular sa Commission on Elections kaya naging matagumpay ang pagpili ng mga tao ng bagong mamumuno at magpapatakbo sa bansa .

Nagpapasalamat din po tayo sa mga hindi sinuwerteng mga kandidato dahil agad nilang tinanggap ang pagkatalo, maliban sa ilan na nais pa ring bigyan ng ibang kulay ang kanilang pagkabigo at sisihin ang gobyrerno.

Muling nasaksihan ng buong mundo ang pag-iral ng demokrasya sa Pilipinas dahil malayang pinili ng mga tao ang kanilang kandidato at ang mataas na bilang ng mga boto ay patunay ng malakas na interes ng mga mga Pilipino sa politika at nagkaroon na ng tinatawag na “political maturity”.

Ngayong tapos na ang eleksiyon ay dapat simulan na rin ang paghihilom ng sugat na nilikha ng pagkatalo sa eleksiyon, at hinihikayat po natin ang lahat na magkaisa para sa mas maganda at maunlad na Pilipinas.

Hindi naman po lingid sa publiko kung paano nagbangayan ang supporters ng mga kandidato na kung minsan ay nakakasakit ng damdamin at humantong sa pagkasira ng pagkakaibigan at magkawatak-watak ng pamilya.

Kasabay ng pagpasok ng bagong administrasyon, hangad po natin na sana ay magkaayos at magkapatawaran na ang lahat at muling ibalik ang nagkalamat na relasyon para simulan ang isang magandang bukas.
Magtulungan po tayo para iangat ang Pilipinas at ipakita sa buong mundo na may magandang umagang naghihintay sa pagpasok ng bagong administrasyon.

Para sa mga nanalo at naihalal na mga bagong opisyal ng bansa, hangad po natin na gagawin nila ang kanilang mandato at responsibilidad at ano mang mga pagsubok na dadating sa bansa.

Sila na ngayon ang magsisilbing timon at magpapatuloy sa mga nasimulang pagbabago ng Duterte administration para sa pagbangon ng Pilipinas at mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino.

Nasa proseso na po ngayon ang Duterte administration sa tinatawag na “transition period” para sa maayos na pagsasalin ng mga trabaho at programang nasimulan sa ilalim ng pangangasiwa ni Pangulong Duterte at umaasa po tayo na maitutuloy ito ng bagong administrasyon.

Samahan po natin si Pangulong Duterte sa June 30 sa kanyang opisyal na pagsasalin ng kapangyarihan sa bagong halal na Presidente ng bansa, walang iba kundi si Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr., ang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang mga Pilipino!