Abante News : Atty. Lopez, Bagatsing todo pasalamat sa mga Manilenyo

21 February 2022

By Abante News

Pinasalamatan ni Manila mayoralty bet Atty. Alex Lopez at Vice Mayor Raymond Bagatsing sa naging mainit na pagtanggap ng mga Manilenyo sa isinagawang sortie ng grupong UniTeam sa ilang bahagi ng Maynila nitong Linggo ng hapon.

Labis ang naging kagalakan ni presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa naging mainit na pagtanggap ng mga Manilenyo sa kanyang grupo na halos hindi mahulugang karayom ang mga taong nagtiyagang mag-intay at sumalubong sa kanila upang makamayan at masilayan ang kanilang pambatong pangulo ng bansa.

Kasabay nito humihingi ng paumanhin si Lopez sa ibang Manilenyo na nag-abang sa ibang lugar na hindi napuntahan ng caravan na batid nilang matiyagang naghintay sa arawan dahil nagkaroon ng maagang announcement sa isasagawang sortie.

Maaga nagpalabas ng mga paalala si Lopez sa mga sasama at mag-aabang sa caravan na huwag kalimutang ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask , social distancing at pagamit ng alcohol.

Batid ni Lopez na hindi pa tapos ang pandemya sa bansa kaya batid nito kailangan pa rin mag-ingat.

Umaasa si Lopez na hanggang sa huli ganito ang maging takbo ng saloobin ng mga Manilenyo sa darating na May 9, 2022 election upang makamit nang buong bansa ang isang tunay na pagbabago. (Mina Navarro)