By Nina Tina Mendoza at Boyet Jadulco | Abante
Pinigil ng Supreme Court (SC) ang pagpapatupad ng Republic Act 10153 na naglalayong isabay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) election sa 2013 midterm election gayundin ang plano ng Malacañang na magtalaga ng officer-in-charge sa rehiyon sa oras na matapos na ang termino ng mga opisyal ng ARMM sa darating na Setyembre 30.
Sa isang press conference, sinabi ni SC spokesman Atty. Midas Marquez na sa botong 8-4 ay nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Kataas-taasang Hukuman na pumipigil na ipatupad ang RA 10153 na magreresulta sa pagpapaliban ng ARMM elections at ang pagtatalaga ng OIC. Ipinaliwanag ni Marquez na layon ng nasabing TRO na maiwasan ang kalituhan sakaling matagalan umano ang pagpapalabas ng desisyon ng SC sa nasabing isyu.
“The temporary restraining order will be in effect until lifted. In the event that the petitions will not be resolved on or before September 30, the high court said incumbent officials shall stay in holdover capacity until their successors are elected,” anang tagapagsalita.
Una nang inanunsyo ng Malacañang na magtatalaga ito ng OIC para sa ARMM governor at vice governor bago tumulak si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa kanyang state visit sa Estados Unidos sa susunod na linggo.
Ayon naman kay Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, chairman ng Senate committee on local government, hindi na siya nabigla sa pinalabas na TRO ng SC dahil sa umpisa pa lang ay mali na ang ginawang pagpapalitan ng halalan sa rehiyon.
Agad namang kinalampag ng senador ang Commission on Elections (Comelec) na ituloy ang naudlot na preparasyon para sa halalan sa ARMM kung saan dapat ay maging automated ito at hindi manu-manong botohan at bilangan ng boto.